David Licauco at Ashtine Olviga, magka-friendship goals sa 'Fight For My Way'

Palaban na ang kilig dahil lumabas na ang official trailer ng Philippine adaptation ng "Fight For My Way" sa Viva One. Dito, magsasama sina David Licauco at Ashtine Olviga bilang sina Hanz at Aira, mga childhood friends na posibleng mauwi sa mas malalim pang relasyon.
Sa kwento, susundan ang apat na young adults habang hinaharap ang mga challenges sa pag-abot ng kanilang mga pangarap, kasama na ang struggles ng adulthood, pag-ibig, at pagkakaibigan. Hindi lang dalawa ang bida dahil kasama rin sa trailer ang kanilang mga longtime friends na sina Manny, na gagampanan ni McCoy De Leon, at Sally, na portray naman ni Aubrey Caraan.
Kung pangarap ang pag-uusapan, gustong maging professional fighter ni Hanz habang target naman ni Aira ang maging isang television announcer. Kahit marami silang setback, magsisilbing support system ang dalawa para ituloy ang kanilang mga ambisyon.
Ang Filipino version na ito ay base sa 2017 South Korean romantic comedy series na may parehong pamagat kung saan bida sina Park Seo Joon at Kim Ji Won. Sa direksyon ni Crisanto B. Aquino, nakatakdang mag-premiere ang "Fight For My Way" sa November 20, exclusively sa Viva One.
Excited na ba kayong makita kung paano mag-evolve ang friendship nina Hanz at Aira, o mas bet niyo pa rin ba ang original version?
