John Lloyd Cruz at Alden Richards, dream guests ng PBB Collab 3.0 housemates

Sina John Lloyd Cruz at Alden Richards ang ilan sa mga celebrities na gustong makasama ng mga housemates ng Pinoy Big Brother Collab 3.0 sa loob ng Bahay ni Kuya. Sa isang segment sa ABS-CBN studios, hiniling sa mga housemates na pumili ng isang celebrity na gusto nilang mag-join sa kanila.
Pinili ni Anthony Constantino si Cruz dahil ito raw ang unang celebrity na nagpakilala sa kanya sa galing ng Filipino acting noong bagong dating pa lang siya sa Pilipinas. Si Richards naman ang napili ni Bela Racal, na inamin na fan na fan niya ang actor noong peak ng AlDub. Kuwento pa ni Bela, nakita raw niya si Alden sa isang event sa town nila noong 2012 at nagpagawa pa siya ng customized shirt para rito.
Ang mga paborito at 'acting goals'
Trending din si Joshua Garcia sa listahan. Gusto siya nina Ethan Benares at Calix Esguerra para humingi ng acting advice, lalo na't naging housemate din si Garcia sa Pinoy Big Brother: All In noong 2014. Sumama rin sa pagpili kay Joshua si Primo Alterado, na nagbiro pang magkamukha raw sila, pero pinili rin niya ang singer na si Juan Karlos dahil sa music nito.
Sina Donny Pangilinan at Jericho Rosales naman ang naging sentro ng atensyon para kay Calix Esguerra at Shea Valerio. Fan na raw ni Donny si Calix simula bata pa, habang si Shea naman ay muntik nang piliin si Donny bago nag-decide para sa longtime crush niyang si Jericho.
Variety ng wishlist: Mula comedy hanggang mentorship
Iba-iba ang vibe ng piniling guests ng bawat isa. Gusto ni Mikee Quintos si Bayani Agbayani para sa tawanan, habang si Nathan Garcia naman ay pinili si Melai Cantiveros, ang Big Winner ng PBB Double Up. Sina Coco Martin at Ryan Bang naman ang napili nina Jeo Ong at Cianne Dominguez, kung saan binanggit ni Cianne ang pagiging caring at supportive ni Ryan bilang dating housemate.
Para naman kay Gehlee, gusto niya ang PBB Celebrity Collab Edition alum na si Esnyr dahil affectionate at kind raw ito. Pinili ni Robbie Jaworski si Bamboo para sa mga life lessons at insights sa music industry, habang si Nicole Fortuna naman ay bet si Bretman Rock dahil sa pagiging resourceful nito.
Sa personal side naman, pinili ni Raheel Bhyria ang close friend niyang si Kokoy De Santos, at si Kim Atienza naman ang mentor na pinili ni Lans Nagal. Pinaka-sentimental si Winwyn Marquez na gustong makasama ang mga magulang niyang sina Joey Marquez at Alma Moreno.
Sa ngayon, busy ang mga housemates sa kanilang second weekly task kung saan kailangan nilang maka-abot ng three million views para sa kanilang vertical drama. Kayang-kaya kaya nila 'yan?
