Daren Dyhengco, bumalik na sa performing arts after mag-personal trainer sa Canada

Akala ni Daren Dyhengco ay tapos na ang career niya sa performing arts noong tumigil ang buong entertainment industry dahil sa pandemic. Dahil sarado ang mga theater at walang nangyayari sa film industry, napilitan siyang maghanap ng ibang direksyon. Sa panahong iyon, ginamit niya ang downtime para mag-focus sa fitness at pumasok sa mundo ng personal training.
Ang dapat sana ay temporary shift lang ay naging seryosong career. Sa loob ng two-and-a-half years, naging personal trainer si Daren sa Canada kung saan nakabuo siya ng stable na income at komportableng routine kasama ang kanyang mga clients at kaibigan. Sabi niya, During the pandemic, wala naman na nangyayari. Everything's kinda like closed, kaya naman inisip niya noon na baka hindi na siya makabalik sa sining.
Ang plot twist sa career
Nagsimulang magbago ang lahat nang kinuwentuhan siya ng kanyang agent tungkol sa Prison Dancer. Isa itong Filipino-Canadian musical na naghahanap ng kanilang leading man. Dahil dito, sinabihan siya ng agent niya na I think you'd be the perfect fit for this.
Hindi naging madali para kay Daren ang magdesisyon kung babalik ba siya o mananatili sa fitness. Aminado siya na pinag-isipan niya itong mabuti dahil komportable na siya sa pagiging trainer. Natakot din siya na kapag iniwan niya ang gym para sa arts, para na rin siyang going back to zero. Pero sa huli, tinanggap niya ang role at naging turning point ito sa kanyang buhay. Ayon sa kanya, Sa grasya ng Diyos, I got the role. And ever since then, tuluy-tuloy na.
Matapos ang Prison Dancer, sunod-sunod na ang dumating na bookings. Dito niya napagtanto na kahit mahal niya ang fitness, mas mahal pa rin niya ang pag-perform. Para sa kanya, ito talaga ang mundo kung saan siya dapat naroroon.
Pagbabalik sa Maynila
Matapos ang pitong taon mula noong huli niyang concert sa Pilipinas noong 2019, handa na ulit si Daren na humarap sa Pinoy audience. Ngayong 30 October 2026, gaganapin ang kanyang concert na pinamagatang Music and Dreams sa Music Museum. Para sa kanya, pagkakataon ito para ipakita kung paano siya lumago bilang performer base sa mga karanasan niya sa abroad.
Sabi niya, seven years later, sabi namin, sige, try natin. I've had a lot of experience naman na din in my back pocket. Bukod sa pagpapakitang-gilas, personal din ang bigat ng concert na ito dahil gusto niyang mapanood siya ng mga kaibigan at pamilya niya na hindi makalipad papunta sa Canada.
Plano para sa hinaharap
Kahit na base pa rin siya sa Canada dahil sa mga commitments at shows doon, open si Daren na tumira na sa Pilipinas. Nakadepende ito sa magiging reception ng kanyang concert sa Music Museum. Sabi niya, if it does well, then I obviously would move here.
Habang naghahanda sa concert, tinitingnan din ni Daren ang mga oportunidad sa local theater scene. Balak niyang sumubok mag-audition para sa mga production dito sa bansa dahil napansin niyang lumalakas na rin yung theatre, parang gumaganda na yung market ng theatre.
Sa kanyang karanasan sa Canada, mas naintindihan niya ang galaw ng industriya. Karamihan sa mga audition niya ay sa mga smaller theater companies na kumukuha ng local actors. Aminado siya na mas mahirap pumasok sa mga larger commercial productions dahil madalas ay nagdadala na sila ng established Broadway productions at casts. Para kay Daren, ang concert na ito ay hindi lang basta pag-akyat sa stage, kundi isang paraan para magsimula ng bagong chapter ng kanyang career sa Pilipinas.
Sana all may plot twist na ganito ka-inspiring, 'di ba?
