Michael V., magiging pusa na sa 'Ella Arcangel'

Magpapabunyi na ang ating comedy genius dahil magpapahiram si Michael V. ng kanyang boses para sa animated film na "Ella Arcangel". Gaganap siya bilang si Mimiw, isang pusa na magsisilbing wise guide para sa title character.
Aminado si Bitoy na challenging ang voice acting para sa kanya, lalo na't malayo ito sa mga nakasanayan niyang roles sa "Bubble Gang" at "Pepito Manaloto". Pero ayon sa kanya, masaya raw paglaruan ang range ng boses. Gusto rin niyang maramdaman ng mga manonood na siya talaga ang nasa likod ng karakter dahil sayang naman daw ang opportunity kung hindi niya tatatakan ang role.
Kaya naman, asahan nating mami-meet pa rin natin si Michael V. o Bitoy, pero sa anyo ng isang pusa. Isa raw itong bersyon ng pusa ni Bitoy, paliwanag ng actor.
Hindi na rin bago ang hilig niya sa ganito dahil fan talaga siya ng animated features. Dream niya raw dati na maging animator at noong bata pa siya, gumagawa na siya ng iba't ibang voices gamit ang cassette recorder. Dahil dito, hindi siya nag-atubiling pumayag sa project na ito na itinuturing niyang malaki at importante.
Ang pelikula ay adaptation ng "Ella Arcangel: Awit ng Pangil at Kuko", isang Filipino horror-fantasy comic series na gawa ni Julius Villanueva. Iikot ang kuwento kay Ella, isang batang witch na boses naman ni Bianca Umali. Lalaban si Ella sa mga tao at mythical monsters sa lungsod para protektahan ang kanyang komunidad.
Ang "Ella Arcangel: Awit ng Pangil at Kuko" ang magsisilbing opening film ng QCinema International Film Festival. Kasama rin ito sa main competition category sa Asian Next Wave section. Ang QCinema ay tatakbo mula November 13 hanggang 22.
Sino ang excited makarinig ng meow version ni Bitoy?
