Geo Ong, humingi ng paumanhin matapos mapagalitan ni Rendon Labador sa road safety

Humingi na ng paumanhin at inaming nagkamali si Geo Ong matapos siyang punahin ni Rendon Labador, isang influencer at entrepreneur, dahil sa isang viral photo. Sa nasabing picture, makikita si Ong at ilang miyembro ng Ong Fam na nakasakay sa mga motor nang walang suot na helmet.
Nagsimula ang isyu nang punahin ni Labador si Ong at ang ilang miyembro ng Ong Fam. Binigyang-diin ni Labador na dapat maging mabuting halimbawa ang mga influencers na sinusundan ng mga kabataan, lalo na pagdating sa road safety. Noong una, hindi naging seryoso si Ong at sinagot lang si Labador ng mga biro at social media jabs, kung saan tinawag pa niya itong “Tito Ercon Labrador.”
Kaugnay ng insidente, noong 20 November, nag-isyu ang Land Transportation Office (LTO) MIMAROPA Region ng Show Cause Order. Nagpataw din ito ng 90-araw na preventive suspension sa driver’s license ng rider na sangkot sa insidente.
Kabilang sa mga alleged violations ang hindi pagsuot ng helmet, pagdadala ng dalawang back riders, at ang pag-selfie habang nagmamaneho.
Sa huli, naglabas din si Ong ng mas seryosong statement. Inamin niya ang kanilang pagkakamali, humingi ng paumanhin, at nagpasalamat pa kay Labador sa pagpapaalala tungkol sa kaligtasan sa daan. Pinayuhan din niya ang kanyang mga followers na huwag gayahin ang kanilang ginawa at laging unahin ang safety sa kalsada.
