Kobie Brown, Todo-effort sa Dance Workshops Para sa 'Born to Shine'

Seryoso ang paghahanda ni Kobie Brown para sa kanyang role bilang JC sa afternoon series na Born to Shine. Bilang bahagi ng P-pop inspired drama, mapapasama ang kanyang karakter sa boy group na 5N1 kasama ang mga Sparkle actors na sina Josh Ford, Lee Victor, Dom Pangilinan, at Andrei Fajardo.
Inamin ni Kobie na hindi niya inaasahan na magiging regular cast member siya ng show. Ayon sa kanya, akala niya ay anim na linggo lang ang kanyang guesting, pero ngayon ay hanggang dulo na siya sa kwento. Para sa kanya, special ang pagiging bahagi ng boy group sa serye.
Para maging convincing na P-pop star, hindi nagtitipid si Kobie sa training. Inamin niya na dancing ang kanyang pinaka weakness, kaya naman gumagawa siya ng extra workshops. Bukod sa practice, nanonood din siya ng performances ng iba't ibang P-pop groups para pag-aralan ang kanilang galaw sa stage at pati na rin ang kanilang kilos sa labas nito para ma-feel ang vibe ng isang tunay na P-pop idol.
Sa gitna ng pagod sa rehearsals, nakatanggap naman ng heartwarming surprise ang 23-year-old actor mula sa cast at production team noong birthday niya. Ikinuwento niya na noong umagang iyon, parang hindi siya pinapansin ng mga cast mates niya at nagtaka siya kung may nagawa ba siyang mali. Pero bago mag-lunch break, binigla siya ng team ng isang surprise celebration na may cake.
Sabi ni Kobie, sobrang grateful siya sa Born to Shine family dahil naisip siyang gawan ng special na birthday celebration kahit na super busy ang lahat sa araw na iyon.
Kaya naman itong si Kobie, talagang pinagpapawisan para maging a-list member ng 5N1. Tingin niyo, papasa ba siya sa standards ng P-pop fans?
