John Lapus, hindi punchline ang special needs

Insensitive. Iyan ang naging reaksyon ni actor na si John Lapus sa mga all-male hosts ng podcast na Machong Chismisan matapos nilang bastusin si Joshua “Josh” Aquino, ang panganay na anak ni Kris Aquino na kilalang nasa spectrum.
Nagsimula ang gulo nang tawaging “walang kwenta” si Josh sa isang podcast episode noong October 5. Binura na ng mga hosts ang video at humingi na ng paumanhin kasunod ng backlash. Para sa kanya, hindi dapat ginagawang katatawanan ang mga taong may special needs para lang makabenta ng comedy.
Nalungkot nako. I love Josh very much, or any people na nasa spectrum. They should be loved, sabi ni Lapus sa sidelines ng inaugural Teatro Panalo ceremonies noong Wednesday. Binigyang-diin niya na ang mga special persons ay dapat minamahal at inaaruga, hindi ginagawang punchline.
Ang hirap magpatawa ngayon
Bilang isang veteran stand-up comedian, alam ni Lapus na nag-iba na ang timpla ng komedya ngayon kumpara noong panahon ng mga comedy bars. Aminado siyang mas mahirap nang magpatawa dahil mas “woke” na ang mga tao at mas vocal na sa kanilang nararamdaman, lalo na't may social media na kung saan madaling ma-call out o ma-cancel ang isang tao.
Sa katunayan, inamin niya na kahit sa teatro na siya nakapokus ngayon, pinag-iisipan niyang mabuti ang kanyang mga punchline para hindi siya mako-call out. Pero para sa kanya, iba ang usapan kapag insensitive na ang joke.
Responsibilidad sa audience
Para kay Lapus, may malaking responsibilidad ang mga content creator sa kanilang audience. Kahit ayaw niya nang patulan o awayin ang mga hosts ng Machong Chismisan, nanawagan siya sa mga kaibigan ng mga ito na pagsabihan silang maging mas sensitive dahil mali ang kanilang ginawa.
Sana raw ay mag-apologize sila nang maayos o kaya ay mag-aral tungkol sa isyung ito. Samantala, wala pang binibitawang pahayag si Kris Aquino tungkol sa nangyari sa kanyang anak.
