SB19, Xonara, at J2X, may pasabog sa One Zone Fest

May mga inihandang surprises ang SB19, Xonara, at J2X para sa mga fans na aattend ng One Zone Fest sa Smart Araneta Coliseum sa October 24 at 25. Sa isang press conference na ginanap noong Miyerkules sa opisina ng 1Z Entertainment, ibinahagi ni Justin na ang unang araw ng event ay magiging isang six-hour showcase. Layunin nito na ipakita ang iba't ibang identities ng kanilang mga artists at ang samu't saring music genres na kanilang ginagalawan.
Todo-todo ang collaborations
Hindi lang basta solo performances ang mapapanood dahil kumpirmadong may mga collaborations, sub-units, at special guests ayon kay Pablo. Inihalintulad ni Jay Roncesvalles ng J2X ang set-up na ito sa menu ng isang carinderia. Para sa dancer-rapper, masarap kumain sa carinderia dahil nandoon na lahat ng gusto mong kainin at iba-iba ang putahe. Ganoon din daw ang mangyayari sa fest dahil marami silang collaborations sa pagitan ng mga artists sa ilalim ng kanilang label.
Ayon kay Jay, nagdesisyon na raw sila kung sino ang pagsasama-samahin. Bukod sa mga kasama sa 1Z, ibinunyag din ni Jay na may collaboration siya sa isang tao mula sa labas ng kumpanya na gustung-gusto niyang makasama sa pagsayaw.
Bago at vulnerable na side ng Xonara
Pagdating naman sa Xonara, sinabi ni Eurekah na nakapaghanda sila ng mga special performances. Ayon kay Tin, pinagtrabahuhan nila ito habang gumagawa ng kasaysayan ang SB19 sa Lollapalooza noong July. Excited na raw silang subukan ang mga bagay na bago at mas matapang, pero sa kabilang banda, dito rin raw makikita ng mga fans ang kanilang vulnerable side.
Pagdiriwang at misyon ng P-pop
Magkaiba ang vibe ng dalawang araw ng event. Sa Day 1, magpe-perform ang SB19 bilang individual artists. Pagdating naman ng Day 2, magiging isang malaking celebration ito ng kanilang anniversary bilang isang grupo. Ayon kay Justin, paraan ito ng pag-give back sa mga fans na siguradong nakaka-miss sa kanila. Ang One Zone Fest ay gagawing annual event at bahagi ito ng pagsisikap ng SB19 na ituloy ang P-pop movement na sila mismo ang nag-pioneer simula nang mabuo ang grupo.
Plano rin nilang palakihin at gawing mas exciting ang event sa susunod na taon. Habang lumalaki ang 1Z, asahan na mas marami pang artists ang sasali. Binigyang-diin ni Justin na hindi lang mga artists ng 1Z ang makikita sa event dahil magdadala rin sila ng iba pang performers. Para naman kay Pablo, may mas malaking goal ang OZF. Bagama't nagsisimula pa lang ito ngayon, ang target nila ay i-promote ang P-pop at OPM sa buong mundo.
Ang 1Z Entertainment ay ang kumpanyang itinatag ng mga miyembro ng SB19 noong 2023. Bukod sa P-pop Kings, inilunsad din nila ang Xonara at J2X bilang kanilang mga artists nitong taon. Ang Xonara ay isang seven-member girl group na binubuo nina Eurekah, Tin, Dominique, Ella, Namie, Lei, at Megumi. Mula nang mag-debut noong May, nakapaglabas na sila ng dalawang singles na "Tabi" at "Pula."
Ang J2X naman ay nakapaglabas na rin ng dalawang singles na "AkoNgaPalaSi" at "Edewup." Samantala, ang SB19 ay binubuo nina Pablo, Josh, Stell, Ken, at Justin. Ang mga hitmakers ng "MAPA" at "GENTO" ay nakipagtulungan din kamakailan kay Senator Bam Aquino para bumuo ng isang bill na magtatatag ng government agency para sa mga Filipino creatives. Available na ngayon ang mga tickets para sa One Zone Fest, at may hiwalay na ticket para sa bawat araw ng event.
