Eula Valdez at Martin Del Rosario, magsasama sa play na 'REX'

Nag-reunion sina Eula Valdez at Martin Del Rosario para sa dula na 'REX'. Ang production na ito ay mula sa De La Salle-College of Saint Benilde (DLS-CSB) sa pamamagitan ng School of Arts, Culture and Performance.
Hindi ito basta-bastang story dahil adaptation ito ng Sophocles’ Oedipus Rex, pero dinala ito sa modernong setting ng Pilipinas. Imbes na plague, ang focus dito ay ang corruption sa gobyerno, political dynasties, at ang mga questionable public infrastructure. Kitang-kita na kinuha ang mga isyung hanggang ngayon ay ramdam pa rin natin.
Naganap ang kwento sa fictional city ng Tebes kung saan umiikot ang plot sa pamilyang Po at ang kanilang St. Paul the Apostle Constructions. Pagkatapos ng malalakas na ulan na ikinamatay ng mahigit 100 katao, susubukan ng pamilya na protektahan ang kanilang interes, pero unti-unting lalabas ang mga katotohanang nakabaon sa corruption ng mga nasa kapangyarihan.
Sulit ang paghihintay dahil after 12 years, muling nagkasama sina Valdez at Del Rosario matapos silang parehong tumanggap ng Gawad Urian awards para sa indie film na Dagitab noong 2014. Kasama rin sa cast si Jallorina, na dating cast ng Goin’ Bulilit, na gaganap bilang isang transgender woman. Ipinagpapatuloy ng papel ang kanyang adbokasiya para sa authentic queer representation at paghamon sa mga stereotype sa media.
Ang play ay isinulat ni Joshua Lim So, isang faculty member ng Digital Film sa Benilde, at idinirekta ni Tuxqs Rutaquio. Ang ensemble cast ay kombinasyon ng professional actors at mga students mula sa Bachelor of Arts in Theater Arts program ng Benilde.
Sinuportahan ang production ng isang creative team na binubuo nina Christine Crame (movement), Jose Joaquin Aranda (lighting), TJ Martinez (sound), Phillip Domingo (costume), at Ces Valera (projection). Pinamahalaan naman ito nina Baha Vergara, Irene Romero, at Kate Loreno kasama ang technical at production staff.
Kung gusto niyo mapanood, tatakbo ang play mula 12 hanggang 15 November at 19 hanggang 22 November 2026 sa Power Mac Center Spotlight Blackbox Theater sa Circuit Makati. Ang running time nito ay nasa one hour and 45 minutes.
