Apl.de.Ap, na-friendzone ni Nicole Scherzinger gamit ang 'kuya card'

Sabi nga nila, walang tatalo sa 'kuya card' pagdating sa pag-friendzone. Sa kanyang pagbisita sa "Fast Talk with Boy Abunda" noong Miyerkules, October 7, inamin ni Apl.de.Ap na sinubukan niyang lumandi kay Nicole Scherzinger noon.
Kuwento ng singer, inaya niya si Nicole na pumunta sa bahay niya para lutuan ng chicken adobo. Pero tinawag lang siyang "kuya" ni Nicole.
Siyempre, ramdam na ramdam ni Apl.de.Ap ang sakit. Ayon sa kanya, kapag tinawag ka nang 'kuya,' tapos na ang laban.
Hindi lang si Nicole ang tingin sa kanya ay kapatid. Si H.E.R. din ay tinatawag siyang 'Kuya' at madalas mag-request na gumawa pa sila ng kanta na katulad ng "Bebot." Para naman kay Apl.de.Ap, super proud at talented si H.E.R.
Kinuwento rin niya ang bonding nila ni Bruno Mars noong tour sila sa Europe. Ayon kay Apl.de.Ap, kababalik lang noon ni Bruno mula sa Pilipinas at napapansin nitong marami ang nagtatanong tungkol sa kanya. Sagot niya, proud lang ang mga tao. Inamin din niyang gustong-gusto niyang makagawa ng kanta kasama si Bruno balang araw.
Sa music side naman, naglabas si Apl.de.Ap ng three-track EP na "PPP" sa tulong ng GMA Music. Para sa kanya, ang mga kanta rito ay paraan niya para ipakita ang pagmamahal sa bayan at magbigay ng lakas sa mga Pilipino sa gitna ng mga pagsubok sa bansa.
Kamakailan lang, noong August 2025, nag-perform din siya kasama ang Black Eyed Peas sa Pilipinas. Siyempre, hindi mawawala ang mga hits nila gaya ng "I Gotta Feeling," "Pump It," at "Where Is the Love?"
Sana sa susunod, hindi na 'kuya' ang itawag sa kanya kung mag-aaya ulit siya ng dinner date, 'no?
